Bawat isa sa atin ay may karapatang magkaroon ng pagkakataon na makapag-aral. Nakasaad ito sa batas at walang sino man ang dapat na magkait sa atin ng karapatang ito.
Ang edukasyon ay isang karapatan.
Pero masasabi mo parin ba ito kung ang sinasabi kong karapatan na ito ay animoy parang isa pang dagdag pahirap sa atin?
Kamakailan lang eh ipinatupad ng gobyerno ang "K-to-12 Program" na naglalayon na dagdagan ng dalawang school year ang education system sa ating bansa upang mapataas ang antas ng edukasyon dito sa bansa. Naglalayon din ito na bukod sa pagpapataas ng antas ng edukasyon dito sa bansa eh layon din nito na maihanay ang ating bansa sa itinakdang 'Global Standards' ng pagbibigay ng edukasyon sa bawat isa sa atin.
Maganda ang layunin ng programang ito kahit na saang anggulo man natin ito tingnan. Siguro nga masasabi natin na isa ito sa 'solusyon' na hinahanap ng ating gobyerno sa naghihingalong kalagayan ng edukasyon sa ating bansa. Isang solusyon na permanente at pangmatagalan. Solusyon na tatapos sa kawalan ng 'quality'
at 'quantity' sa sistema ng edukasyon ng bansa.
Pero ang tanong eh kaya ba ng Pilipinas na ipatupad ito?
Hindi lingid sa atin na isang malaking problema ang sistema ng edukasyon dito sa bansa. Hindi ito dahil sa kulang ang lebel o school year na dinadaan ng mag-aaral kaya maraming grumagradweyt na 'kulang' ang kakahayan kung hindi dahil ito sa budget na nakalaan ng gobyerno para sa edukasyon dito sa bansa. Nadagdagan pa ito ng kamakailan lang eh tinapyasan ng ating gobyerno ang nakalaang budget para sa dito at dinagdagan ang budget para sa pagpapa-unlad ng mga kagamitan ng Militar dito sa bansa.
Parang nakakawala ng trip ang trip ng gobyerno sa pagpapatupad ng programang ito. Alam naman nilang hindi pa natutugunan ang ilang taon nang problema ng kung anu-anong kakulangan na kaugnay sa edukasyon dito sa bansa. Sa totoo lang hindi naman ang gobyerno ang unang maproproblema kung maipatupad na ito kung hindi ang ating mga magulang. Ang dalawang school year na idinagdag sa bisa ng programang gustong ipatupad ng gobyerno eh nangangahulugan ng dagdag gastos para sa mga magulang kaya hindi ko masisisi ang maraming progresibong grupo na magprotesta ukol dito ay dahil alam nilang ganito ang mangyayari. Na dagdag paghihirap na naman ito. Mas maganda sana na bago nila ito ipatupad eh pinag-aralan nila ang posibleng epekto at resulta ng programang ito. Hindi lang ilang buwan ang igugol dito kung hindi dapat ilang taon na pag-aaral ng sa gayun eh masigurong hindi ito isang malaking 'katangahan' sa parte ng gobyerno. Sa tingin ko kasi minadali lang ito ng gobyerno ng sa gayun eh makasabay tayo kuno sa education system ng ibang bansa. Tatanungin ko kayo, aanhin ba ang paggawa ng programa kung hindi mo naman kayang suportahan ang pangangailangan nito?
Ang edukasyon ay karapatan sa bawat isa sa atin. Hindi dapat ito nangangahulugan ng paghihirap at dagdag utang sa kapitbahay o lending company o kung anu man yang mga pautang dyan sa tabi-tabi.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento