Miyerkules, Enero 30, 2013

Limang bagay na madalas kong gawin kapag nasa klasrum ako.


1.Katahimikan

Minsan, kapag pumasok ako sa klasrum tapos mag-aantay kung meron bang klase uupo lang ako sa upuan. Uupo lang mehn.

Hihinga lang ako ng malalim tapos hihinga ulit. Hihinga ulit ng malalim tapos hihinga ulit tapos sasabihin sa sarili kong kailangan kong magpokus sa klase at itigil muna ang pag-iisip sa ibang bagay na nagpapa-pressure sayo. Titigil muna saglit sa pag-iisip sa mga responsibilidad at problema. 

2. Hindi ako nakikinig

Madalas, madalas lang ha, hindi ako nakikinig kapag boring ang lesson na itinuturo ng titser namin o hindi kaya alam ko sa sarili kong hindi mababago ng lesson ng instructor sa subject ang buhay ko o magpapa-report lang ang titser namin. Mga ganung kadramahan. Minsan, ang ginagawa ko tinititigan ko lang 'yung likod ng taong nasa harap ko. Iniisip 'yung mga bagay na tumatakbo sa kanyang isipan, kung pareho ba kami ng iniisip na mehn ang malas naman namin boring 'tong subject nato o OK magtitiis ako dahil mabait at mabuti siyang guro. Minsan din, tinitingnan ko lang din 'yung kapwa ko kaklase na pinipiling umupo sa likod dahil busy s'ya sa kaka-text sa taong ayaw ko namang alamin kung sino, mga tilian at "prayer meetings" ng mga miyembro ng El Shaddai dahil sa ingay na ginagawa nila, mga gumagawa ng assignments at project na hindi natapos dahil busy sila sa ibang bagay at 'yung mga taong napipilitang pumasok sa klase dahil kailangan. Minsan, sumasabay ako sa trip nila. Minsan, ginagaya ko sila.

3."Irregular"

Ewan ko lang ha kung ako lang ang ganito. Gusto mong kausapin 'yung magandang chik na irregular na kaklase mo pero natatakot kang baka wala siya sa mood o dinudugo siya. O kunware magtatanong ka ng mga bagay na wala namang kinalaman sa klase ninyo base lang sa kilos o galaw niya. Sa semester na ito, irregular student ako. Sa klase namin, may 5 hanggang 7 irregular na nahalo sa amin na madalas mas mataas pa ang year level sa amin. Gusto ko silang batiin ng "wazzup mehn!" kahit babae 'yung kausap ko. Kamustahin sila kung OK lang ba sila na nandito sila. Tanungin kung kamusta christmas break nila. Kung bakit meron pa silang mga behind subjects at kung bakit mas pinipili nilang umupo sa likod. Gusto kong makipaghalubilo sa kanila pero natatakot akong baka mailang lang sila. Na kapag kinausap ko sila, isipin nilang manghihingi lang ako ng papel o meron akong kailangang bagay sa kanila.

4."The future belongs to those who believe in the beauty of their dreams."

Isa sa mga rason kung bakit ganado akong pumasok araw-araw kahit tinatamad ako ay dahil gusto kong makita ang mga kaklase ko lalo na sa Language. Araw-araw, kahit wala namang importante bagay na mangyayari pupunta parin ako sa klase. Ayaw kong magpakasentimental ano pero masaya lang akong nakikita sila na busy sa mga bagay na may kinalaman sa mga subject na na-enroll nila ngayong semester. 'Yung mga tawanan nila at pagpopokus sa paggawa ng mga assignments o projects bago ang klase na deadline ngayon. Mga bagay na hindi ko na nagagawa ngayon.

Madalas, naiisip kong ano kaya mangyayari sa kanila sa mga susunod na taon. Kung makakahanap kaya sila ng trabaho kapag grumadweyt sila sa kursong ito o magshi-shift sila sa ibang kurso dahil napagtanto nilang hindi naman talaga nila gusto ang kurso nila ngayon. Napapaisip ako kung ano kaya ang mangyayari sa kanila sa hinaharap, kung anong mangyayari kay Nicgemgrace na walang pakialam kung tamaan ng bulalakaw ang USEP o kay Ladygrace na active at may kaaya-ayang interes sa mga nangyayari sa bansa. Kay Dale na masaya sa buhay niya ngayon o kay C.c. na mahilig magbasa ng libro. Gusto kong malaman kung anong mangyayari sa kanila sa mga susunod na taon. Alam ko, alam nila at alam ng iba na magiging maganda ang kinabukasan nila kapag nagsumikap sila. 

5. 

Kapag problemado ako at parang feeling ko papatayin ako ng stress dahil sa mga responsibilidad ko, tinititigan ko lang 'yung cute na babaeng irregular na kakilala ni Maybelene. Iniisip ko sa sarili ko na magiging OK ang lahat. Magiging OK ang lahat.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento