Lunes, Hunyo 11, 2012

Sketches

Matagal na 'tong drawing na ito siguro mga tatlo hanggang apat na linggo na ang nakakaraan. Epekto ng walang magawa sa bahay. Basta-basta na lang itong pumasok sa utak ko. Ito 'yung mga panahon na nagde-daydream ako habang dilat ang mata ko. 'Yung mga pagkakataon na nagtitiis ako sa isang tasang kape as breakfast at lunch. 

Kung tatanungin n'yo ako ano ba ang story ng sketch na ito eh na-inspire kasi ako pagkakaibigan at "walang iwanan motto" na napapanood ko sa mga anime. Dyan sa drawing matalik sila na magkaibigan. 'Yung isa na sumusunod at ang isa na gumagabay. Matagal na akong nagpaplanong gumawa ng komiks pero parang wala ako sa mood para gumawa. Maraming nagsu-suggest sa akin pero hindi ko kinakagat. Nakukuntento na ako sa paggawa ng sarili kong mga characters. Mga tauhan sa komiks na walang story at tanging utak ko lang ang nakaka-intindi. Nakakatawa nga eh. Para akong tangang naniniwala na merong Santa Claus o umaasang magpapakalbo na ang ating pangulo.

"Kontraktwalisasyon"


Nakakalungkot mang isipin pero ang drawing sa taas eh pinapakita kung ano ba ang tunay na kalagayan ng mga manggagawa dito sa ating bansa. Bukod sa pagtitiis na mapasailalim sa pagiging kontrakwal na manggagawa tinitiis din nila ang hindi makatarungang pagbibigay ng sahod. Kung tutuusin ang mga kumpanya na nagbibigay sa kanila ng trabaho ay may kakayahang magbigay ng naaayon na sahod sa kanilang mga manggagawa pero hindi nila ito ginagawa. Mas trip nilang kumita ng malaki. Masasabing tanda ng panlalamang sa kapwa.

Hindi na uso ang ganitong isyu dito sa bansa. Nagsimula ito ng hinayaan ng gobyerno na ipatupad ang 'kontraktwalisasyon' dito sa Pilipinas long long time ago. Maraming binibigay na ginhawa at benifits sa mga employers ang pagiging kontraktwal ng mga manggagawa sa kanilang kumpanya. Eto ang sumusunod....

1. Maiiwasan ang pagsasagawa ng mga unyon o samahan at mga strikes dahil hindi sila lehitimong mangagawa ng kumpanya.
2. Mapapalitan din ng mga kontrakwal na manggagawa ng panandalian ang mga regular workers na na-retrenched o makatipid sa pagbibigay ng mga benipisyo o sa sahod mismo.
3. Kadalasan, hindi nabibigyan ng naaayon na benipisyo ang mga contractual workers tulad ng PhilHealth at SSS.
4. Ang mga contractual workers eh hindi nakakakuha ng sapat ng sahod. Bukod pa dito, alam n'yo bang pagkatapos ng kanilang kontrata nila sa kumpanya eh kukuha sila ulit ng mga requirements depende sa anong kinakailangan na requirements sa bagong inaaplayan?
5. Ang mga contractual workers eh hindi hindi nakakatanggi kung pinapatrabaho sila ng kanilang employers ng overtime kahit na labag ito sa batas.
6. Kadalasan, mababa ang tingin ng mga lehitimong manggagawa sa kumpanya sa mga contractual workers. Ang masaklap pa eh parang normal na kalakaran na ito sa mga manggagawang mapapasailalim sa ganitong sistema.

Ang nakakalungkot lang sa ganitong sistema ay parang walang choice ang mga tao kung hindi yakapin ang hindi cute na sistemang ito. Sa totoo lang minsan na din akong naging contractual worker ng higit sa tatlong taon. Isa lang ang masasabi ko, MAHIRAP talaga. Tinitiis mo 'yung hindi magandang treatment sayo ng mga boss mo. Minumura ka na parang wala kang pinag-aralan at kung minsan tinatakot ka na tanggalin ka sa trabaho. Pinagtratrabaho ka din ng higit sa binigay na oras sa'yo o overtime. Sigurado din akong nararanasan din ito ng mga kababayan natin na nasa ilalim ng kontraktwalisasyon. Bukod sa hindi makatarungang tingin sayo eh nababahala ka na pagkatapos ng lima o anim na buwan eh wala ka na namang trabaho. Mas masaklap ito kung meron kang binubuhay o meron kang pamilyang umaasa sayo.

Walang kasiguruhan.

Ang nakakabadtrip lang eh hinahayaan ng gobyerno ang ganito. Na magtiis ang mga pilipino sa ganitong sistema. Ngayon sa kasalukuyang administrasyon ni Aquino na nangangako ng "tuwid na daan", parang ang sarap batuhin ng talong at kamatis ang shiny na bumbunan ng pangulo. Kung gusto talaga ng ating pangulo na umangat ang kabuhayan ng mga pilipino, mas magandang tutukan n'ya ang problemang ito. Hind 'yung nagpopokus lang s'ya kay Grace Lee o kung sino man 'yang mga chika babes n'ya o pagganti sa dating pangulo at kanyang mga minions. Later na 'yan tangina naman oh!

May link ako dito ng mas malalimang pag-intindi sa kontraktwalisasyon dito sa bansa. Click mo lang dito.

Linggo, Hunyo 10, 2012

Corruption: More fun in the Philippines




Hindi na luma sa sistema ng gobyerno dito sa bansa ang kurapsyon. Parang requirement na ata sa mga pulitiko dito sa ating bansa ang mangurakot ng at least 10,000 pesos sa kaban ng bayan depende sa anong katungkulan ang hinahawakan ng pulitiko sa pamahalaan. Dito din sa bansa natin parang normal na lang na makakarinig tayo ng mga isyu ng mga matataas na opisyal ng kumukurakot ng limpak-limpak na salapi galing sa bulsa ng mga mamamayan.

Nakaka-badtrip hindi ba?

Kung pwede pa lang na hindi tayo na magbayad ng tax eh baka ginawa na natin. Alam natin na gagamitin lang ito ng mga pulitiko sa kanilang pansariling interes. Mga sasakyan na may label na "for government use only" na ginagamit bilang panghatid-sundo sa kanilang mga anak sa eskwelahan. Mga relief goods na may nakalagay na pangalan ng mga pulitiko bilang tulong sa mga nasalanta ng kalamidad at bagyo. Mga basketball court na may nakasulat na "through initiative" ng kung sinu-sinong mga pulitiko. Mga business trips  na ang perang gamit eh galing sa kaban ng bayan. Pati ang americana at brip na gamit nila at marami pang iba.

Siguro isa ito sa mga rason kung bakit maraming nag-aasam na maging pulitiko at makahawak ng katungkulan sa pamahalaan. Para isang talent search ang pagtakbo sa pulitika. Una, magpapa-impress ka sa madla kung ano ba ang ibubuga mo. Pangalawa, kukumbinsihin mo sila na iboto ka nila through text. At last, kung palarin man na manalo ka eh ito na ang oppurtunity para sumikat. Parehas din yan sa pulitika. Una mangangampanya ka at ilalatag mo ang mga  "plataporma jokes" mo at gagawin mong pagbabago sa gobyerno kung ihahalal ka nila (na kadalasan hindi naman natutupad). Pangalawa, kung meron kang pera, magpapa-commercial ka sa TV ng sa gayun eh mapansin ka nila. Pwede kang gumawa ng dance number sa campaign ad o hindi kaya ipagyayabang mo na marami kang natulungan. At pangatlo at ang huli, kung mauto mo sila eh mababago mo ang buhay mo.

Mas masakit malaman na habang nagpapakasasa sa pera ng mamamayan ang mga pulitiko eh maraming pamilya ang umaasa sa kanila na sana mabigyan man sila ng konting kaginhawaan sa kanilang buhay. Habang nagche-check in sila sa isang 5 star hotel eh maraming kababayan natin ang walang sarili nilang lupa at bahay at nagtitiis na matawag na 'eskwater'. Habang ginagamit ng nila ang "government vehicles" bilang personal vehicle eh maraming kabataan na tinitiis na maglakad ng ilang kilometro para lang makapasok sa paaralan. Habang kumakain sila isang pangmayaman na restaurant eh ang iba eh walang perang pambili ng kanilang hapunan.

Hindi natin masisisi ang iba sa ating mga kababayan kung bakit kapag pulitiko ang pinag-uusapan nagiging negative ang sinasabi nila. Huwag na tayong umasa pa na mababago pa ang sistema dito sa bansa unless kung gagawa ng paraan ang kasalukuyang administrasyon na matigil na ito (na halata namang hindi). Hindi ko naman sinasabi na wala nang pag-asa ang pulitika dito sa bansa. Ang sinasabi ko eh mababago lang ito kung willing sila na mabago talaga ito.

Lunes, Hunyo 4, 2012

Same old blues: Edukesyun sistem in da Pelipins


Bawat isa sa atin ay may karapatang magkaroon ng pagkakataon na makapag-aral. Nakasaad ito sa batas at walang sino man ang dapat na magkait sa atin ng karapatang ito.

Ang edukasyon ay isang karapatan.

Pero masasabi mo parin ba ito kung ang sinasabi kong karapatan na ito ay animoy parang isa pang dagdag pahirap sa atin?

Kamakailan lang eh ipinatupad ng gobyerno ang "K-to-12 Program" na naglalayon na dagdagan ng dalawang school year ang education system sa ating bansa upang mapataas ang antas ng edukasyon dito sa bansa. Naglalayon din ito na bukod sa pagpapataas ng antas ng edukasyon dito sa bansa eh layon din nito na maihanay ang ating bansa sa itinakdang 'Global Standards' ng pagbibigay ng edukasyon sa bawat isa sa atin. 

Maganda ang layunin ng programang ito kahit na saang anggulo man natin ito tingnan. Siguro nga masasabi natin na isa ito sa 'solusyon' na hinahanap ng ating gobyerno sa naghihingalong kalagayan ng edukasyon sa ating bansa. Isang solusyon na permanente at pangmatagalan. Solusyon na tatapos sa kawalan ng 'quality'
at 'quantity' sa sistema ng edukasyon ng bansa. 

Pero ang tanong eh kaya ba ng Pilipinas na ipatupad ito?

Hindi lingid sa atin na isang malaking problema ang sistema ng edukasyon dito sa bansa. Hindi ito dahil sa kulang ang lebel o school year na dinadaan ng mag-aaral kaya maraming grumagradweyt na 'kulang' ang kakahayan kung hindi dahil ito sa budget na nakalaan ng gobyerno para sa edukasyon dito sa bansa. Nadagdagan pa ito ng kamakailan lang eh tinapyasan ng ating gobyerno ang nakalaang budget para sa dito at dinagdagan ang budget para sa pagpapa-unlad ng mga kagamitan ng Militar dito sa bansa. 

Parang nakakawala ng trip ang trip ng gobyerno sa pagpapatupad ng programang ito. Alam naman nilang hindi pa natutugunan ang ilang taon nang problema ng kung anu-anong kakulangan na kaugnay sa edukasyon dito sa bansa. Sa totoo lang hindi naman ang gobyerno ang unang maproproblema kung maipatupad na ito kung hindi ang ating mga magulang. Ang dalawang school year na idinagdag sa bisa ng programang gustong ipatupad ng gobyerno eh nangangahulugan ng dagdag gastos para sa mga magulang kaya hindi ko masisisi ang maraming progresibong grupo na magprotesta ukol dito ay dahil alam nilang ganito ang mangyayari. Na dagdag paghihirap na naman ito. Mas maganda sana na bago nila ito ipatupad eh pinag-aralan nila ang posibleng epekto at resulta ng programang ito. Hindi lang ilang buwan ang igugol dito kung hindi dapat ilang taon na pag-aaral ng sa gayun eh masigurong hindi ito isang malaking 'katangahan' sa parte ng gobyerno.  Sa tingin ko kasi minadali lang ito ng gobyerno ng sa gayun eh makasabay tayo kuno sa education system ng ibang bansa. Tatanungin ko kayo, aanhin ba ang paggawa ng programa kung hindi mo naman kayang suportahan ang pangangailangan nito? 

Ang edukasyon ay karapatan sa bawat isa sa atin. Hindi dapat ito nangangahulugan ng paghihirap at dagdag utang sa kapitbahay o lending company o kung anu man yang mga pautang dyan sa tabi-tabi.

Biyernes, Pebrero 3, 2012

Obserbasyon

  Hindi talaga malinaw kung saan mapupunta ang nangyayaring Impeachment sa Senado.Para kasing ang labong kausap ng mga abugado at mga sitting 'pretty members' ng Prosecution Team.Nagmumukha silang mga walang alam sa kada-session na ginagawa sa Senado.Sa huling panonood ko ng balita, sinabon sila at pinagalitan dahil sa mali at hindi accurate na pagbibigay ng ebidensya na tungkol sa 'hidden wealth' si Chief Justice Corona.Sabihin na nating meron talagang tinatagong baul ng kayamanan 'yang si Corona pero wala din naman silbi kung hindi naman ma-explain ng maayos ng Prosecution Team ang pinagmulan.
  Ang obserbasyon ko lang naman sa nangyayaring Impeachment ngayon sa Senado, lumalabas na halatang 'minadali' ng mga haters ni Arroyo ang paghahain ng mga akusasyon kay Corona na dumadating sa punto na nagmumukha silang ewan.Simula sa pagpapasa, pagpapapirma para ma-impeach 'yung mama, pagtatalo na nangyayari sa Kamara hanggang sa makarating ito sa Senado, halatang hindi pa 'luto' ang inihain nila.Parang naglalaro sa isipan ko ang aspeto na pinapasama lang nila ang iniingatang "image" ni Corona (kung meron man) na matagal n'yang pinaghirapan.
  Saludo ako sa Defense Team dahil masyado silang maingat sa paglalabas ng impormasyon tungkol sa Impeachment Trial at sa bawat hakbang na ginagawa nila eh pinag-aaralan talaga.Ang Impeachment trial naman talaga eh labasan ng baho sa lahat ng ginawang katarantaduhan ng nasasakdal at syempre pagalingan din ng mga palusot kung guilty man.Para naman sa Prosecution Team, 'wag dumaldal ng dumaldal ng kung anu-anong mga kabalbalan o tsismis sa madla.May MEDIA na magaling mag-translate kung ano ba talaga ang nangyayari na 'friendly sa mga viewers.Bias masyado ang Prosecution.Parang pinalalabas nila na ang sama-sama talaga ni Corona eh joke lang pala.

Biyernes, Enero 27, 2012

Mga pagkakataon....

  Ito 'yung mga pagkakataon na masarap pagtripan ang mga taong may malalim na pananampalataya sa itaas.Hindi sa kisame 'wag tanga.'Yung mga pagkakataon na masusubok kung hanggang saan ang kanilang nalalaman sa itaas.Sinabing hindi kisame 'wag tanga.Saludo ako sa'yo idol Lourd De Veyra!

"NASAAN KA JOVITO?!"

 
  Hindi sa lahat ng pagkakataon masaya ang makipagtaguan.Paminsan-minsan eh nakaka-badtrip na at umaabot sa punto na nagkwekwentuhan na kayo ng mga bagay na imposibleng mangyari sa totoong buhay tulad bakit kalbo si P-Noy o totoo ba ang mga unicorns o bakit nakipag-break up si KC Concepcion kay Papa Piolo?Basta magulo lalo na kung matanda ka na at feeling bagets ka parin at nakikipaglaro sa mga pamangkin mo na nanonood pa ng Barney and friends o Dora the Explorer.OK lang sana kung chicks(hindi 'yung sisiw 'wag tanga) ang taya.Oo na ititigil ko na 'tong magulong intro ko.
  Napabalita kamakailan lang na pinaghahanap daw ang isang retired army general dahil sa mga akusasyon na kinidnap daw n'ya 'yung dalawang babaeng cute na aktibista na nag-aaral sa Pamantasan ng Pilipinas.Hindi naman talaga 'yun akusasyon kung hindi pormal na pag-aresto na inilabas ng Kagawaran ng Hustisya mismo laban sa kanya.Nahalal din siya bilang representative ng isang partylist sa Pilipinas.Minsan na din siyang pinuri ng dating Pangulong Arroyo dahil sa kanyang pakikibaka laban sa mga rebeldeng gustong isulong ang komunismo sa bansa.Isa pang clue? Wala na kayong maisip? Suko na ba kayo? Sige na nga at dahil maawain ako sasabihin ko na sa inyo kung sino siya.Talaga bang wala na kayong maisip? Walang iba kung hindi si Jovito Palparan Jr. Tinagurian siyang "Berdugo" dahil sa mga akusasyon sa kanya na siya ang pasimuno ng manaka-nakang pagkawala ng mga aktibista na kalaban ng gobyerno.
  Marami akong artikulo na nabasa sa paggala ko sa internet na noong mga panahon na nanunungkulan pa siya bilang isang heneral ng AFP eh maraming naitalang manaka-nakang pagkawala ng mga aktibista at mga taong sabihin na lang natin eh mga "Nice People Around" na kung saan siya naka-aasign na lugar lalo na sa Mindoro at Samar.Milagro niyang napababa ang problema ng pagrerebelde sa mga nasabing lugar ng mahigit sa 80 percent at siniguro pa n'ya na kung magtatagal pa siya sa serbisyo eh baka tuluyan na niyang ubusin ang mga rebeldeng nagtatangka na baguhin ang sistema ng pamahalaan..Naisip n'yo 'yun? Wala pang heneral na nangkulan sa AFP na nakagawa ng ganyang accomplishments sa tanang buhay nila.Dahil sa kanyang pinagpalang pamamaraan na galing sa mga anito sa kabundukan pinuri siya ng dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang SONA noong 2006.Natigil lang itong happy moments n'ya na ito nang napagpasyahan niyang mag-resign sa ika-56th birthday niya.Natigil man ang bloody adventures ni pareng Jovito may bumulong ata sa kanya na bakit hindi kaya tumakbo siya bilang isang representative ng isang Partylist.At dahil sa mala-tukong kapit ni Jovito kay Aleng Gloria eh hindi nga siya nabigo pero hindi na siya ulit nahalal dahil sa paninira sh*ts laban sa kanya.At ang huling balita sa kanya eh pinaghahanap na s'ya ng batas.
   Talagang nakakapagtaka at nakakapangduda ang ginamit n'yang pamamaraan para masupil ang mga rebeldeng komunista at mga kalaban ng gobyerno.Maraming nagsabing ginamit n'ya ang superpowers ng kanyang mga ninuno at anito.Marami ding kwento-kwento na meron daw malaking nunal sa pwet si pareng Jovito kaya masyado syang swerte sa lahat ng larangan na gusto niyang pasukan.Meron ding nagsabi na dahil daw 'yun sa malalim n'yang paniniwala sa diyos.Pero kung literal at realidad na aspeto mismo ang titingnan eh papasok talaga sa isipan mo ang mga bagay na tumatapak sa karapatang-pantao tulad ng pag-torture o paggamit ng dahas.Kung ako lang naman ang tatanungin eh isa lang siyang halimbawa ng isang taong may paniniwala bagamat baluktot eh siyang nakitang sulosyon para mapigil ang mga makakaliwa.Hindi sa pinapanigan ko ang tao na ito o kung ano pa man pero humahanga ako hindi dahil sa kanyang katarantaduhan kung hindi ang paniniwala n'ya mismo.Paniniwala na kinakailangan na masupil ang "masama" para makamit ang kapayapaan.Tulad nga ng mga nauna ko nang mga kwento sa inyo, mas maiging magsaliksik kayo kung ano ba talaga ang history ng taong nasa "limelight" o sa isyu.Ang nakakainis lang eh masyado tayong mapanghusga base sa ano ang naririnig o nakikita natin at ang masaklap pa eh mas binibigyan pa natin ng malaking importansya ang tsismis o mga kwento-kwento kaysa sa kung ano ang katotohanan.Hindi ko kayo pinapagalitan.Baka magdamdam kayo mga pepz at baka ayaw n'yo nang basahin ang mga susunod kong mga artikulo lalong lalo na 'yung mga kakosa kong pinapanigan ang mga makakaliwa.Pero kung may kasalanan talaga ang taong ito eh dapat n'ya itong harapin.Ika nga sa isang kasabihan, "face your fears, live your dreams".Eh ang nakikita ko lang na fear ng taong ito eh ang harapin ang mga pagkakautang n'ya.Hindi utang-pera 'wag tanga.Utang-buhay ang ibig kong sabihin.Oo alam kong magdo-DOTA pa kayo o mag-u-update ng Facebook kaya hanggang dito na lang muna.Hanggang sa uulitin! Paalam!